Tindahan ng pekeng television, sinalakay
MANILA, Philippines – Sinalakay ng mga tauhan ng Northern Police District (NPD) ang isang tindahan na nadiskubreng nagtitinda ng umano’y mga pekeng telebisyon at iba pang electronic appliances sa Malabon City, kamakalawa.
Armado ng search warrant na inilabas ni Judge Zaldy Docena ng Malabon City Regional Trial Court Branch 170, sinalakay ng mga tauhan ng District Police Special Operations Unit ang WEI Dynamic Techno-logy Trading Corp. na nasa no. 14 Santol Road, Brgy. Potrero, Malabon.
Sa paghahalughog, natagpuan ng mga operatiba ang mga “misbranded o counterfeit” na mga television sets na nilagyan ng tatak na Astron, Pensonic at iba pang electronic appliances.
Nakuha rin ang mga “labels, prints at packages” na gamit sa tindahan para sa hindi otorisadong pagtitinda ng mga naturang appliances.
Nakatakdang sampahan naman ng kasong paglabag sa Consumers Act of the Philippines ang mga nakarehistrong may-ari ng tindahan na sina Wilson Wei at Chin Wei.
Isinagawa ang pagsalakay sa presensya ng mga opisyal ng barangay sa lugar at kinatawan ng kumpanya.
- Latest