Atenista dinakip sa kasong violence against women
MANILA, Philippines – Inaresto ng mga operatiba ng Quezon City Police District (QCPD) ang isang basketball player ng Ateneo Blue Eagles dahil sa kinasasangkutan nitong kasong paglabag sa karapatan ng mga kababaihan, ayon sa ulat kahapon.
Sa ulat ng Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit, si Chibueze Ikeh, 24, sentro ng ADMU, at residente ng male athlete Cervini room ng nasabing unibersidad ay dinakip base sa warrant of arrest na inisyu ni Judge Maria Lourdes Giron ng Regional Trial Court branch 102 sa kasong paglabag sa Republic Act 9262, o ang “Anti-Violence Against Women and Their Children Act of 2004.
Ganap na alas-7 kamakalawa ng gabi nang arestuhin si Ikeh ng mga tropa ng District Warrant and Subpoena Section sa pamumuno ni SPO4 Buenvenido Fabro at ng District Special Operation Unit ng QCPD sa may Araneta Coliseum, Cubao.
Gayunman, hindi nagbigay ng detalye ang otoridad hingil sa pinag-ugatan ng nasabing kaso.
Hindi lamang ang kaso ni Ikeh ang unang pagkakataon na nasangkot ang mga atleta ng ADMU sa kontrobersya. Una ay ang isyu kay John Apacible na sinuspinde dahil sa pagmamaneho ng lasing na naging viral sa social media.
Samantala, base sa huling ulat ng CIDU pansamantalang nakalaya na si Ikeh.matapos na makapaglagak ng kanyang piyansa na P24,000.
- Latest