Tirador ng mga motorsiklo, nabuwag
MANILA, Philippines – Pinaniniwalaang nabuwag ng Caloocan City Police ang isang carnapping group sa pagkakadakip sa lider at tauhan, kamakalawa ng umaga.
Dakong alas- 7 ng umaga nang arestuhin ng mga tauhan ng Intelligence Unit ang suspek na si Elmer Montilla, 37, ng Brgy. 30, ng naturang lungsod.
Inaresto si Montilla habang naghahanap ng motorsiklong matatangay sa may 5th Avenue, Caloocan. Nakuha sa posesyon niya ang isang pick lock na gamit niya sa pagtangay at pag-istart ng motorsiklo.
Una namang naaresto ng pulisya sina Marco Carlos, 27, dating barangay kagawad; Gilbert Manansala at Tristan Wong noong Oktubre 22. Sa naturang raid, nakumpiska ang anim na motorsiklo na ninakaw ng mga suspek.
Nang isailalim sa imbestigasyon, itinuro ni Carlos si Montilla na kasamahan nila sa sindikato kaya ikinasa ang operasyon laban dito. Nagawa namang makalaya ni Carlos nang makapagpiyansa sa korte.
Sa interogasyon, sinabi ni Montilla na si Carlos ang lider ng kanilang grupo at sa kanya rin siya natuto kung paano distrungkahin ang lock ng target na motorsiklo at paandarin. Inamin rin nito na nasa apat hanggang limang motorsiklo ang kanyang natatangay sa loob ng isang linggo.
- Latest