100 bahay naabo, 7 sugatan sa Tatalon fire
MANILA, Philippines – Pito katao kabilang ang nasugatan sa sunog na lumamon sa may 100 bahay sa Brgy. Tatalon lungsod Quezon, kamakalawa ng gabi. Sa inisyal na ulat ni Supt. Jesus Fernandez, city fire marshal, nakilala ang mga biktima na sina Manuel Claudio, Jordan Bantilo, Supt. Cospolo Diaz, P/Insp Rollo, PO1 Zoilo Nazario, FO1 Batuto, at Erman Del Castillo.
Si Claudio na isang fire volunteer ang iniulat na nasa malubhang kalagayan dahil sa tinamo nitong 1st degree burn matapos na madaganan at makuryente sa bumagsak na poste ng Meralco habang inaapula ang sunog.
Habang ang ibang sugatan ay nadikit naman sa nag-spark na kuryente ng poste kung kaya nagtamo rin ng mga injuries sa kanilang mga katawan. Agad namang nilapatan ng lunas sa malapit na ospital ang mga nasabing sugatan
Ayon kay Fernandez, nagsimula ang sunog sa pinapaupahang apat na palapag na bahay ng isang Napoleon Bantelo at inupahan naman ng mag asawang alyas Lito at Lita na matatagpuan sa 70-C Victory Ave malapit sa kanto ng Araneta Ave., Bgy Tatalon, ganap na alas-7 ng gabi.
Mula sa ikalawang palapag ng bahay kung saan naroon ang kusina ng mag-asawa ay may biglang nag-sparked na kuryente hanggang sa tuluyang lumikha ng apoy at kumalat sa buong paligid. Dahil dikit-dikit lamang ang mga bahay sa lugar na pawang mga gawa lamang sa light materials mabilis na kumalat ang apoy sa buong lugar.
Ilang mga residente ang nagtangka pang apulain ang apoy sa pamamagitan ng pagbuhos ng mga inigib nilang timbang tubig, pero dahil sa laki ng apoy ay nabigo rin ang mga ito.
Sabi ni Fernandez, sa laki ng sakop ng apoy iniakyat nila sa Task Alpha ang sunog, pero nahirapan din sila bunga ng mga nagbabagsakang poste at mga kawad, bago tuluyang naapula, ganap na alas-9:47 ng gabi.
Mahigit sa 300 pamilya ang nawalan ng tirahan sa sunog na ngayon ay pansamantalang nanunuluyan sa covered court ng barangay. Aabot naman sa P600,000 halaga ng ari-arian ang napinsala dito.
Tinitignan ng mga imbestigador ng BFP ang electrical short circuit ang ugat ng naturang sunog dahil base sa ilang residente ay sala-salabat umano ang mga iligal na kawad ng kuryente na nakakabit dito.
- Latest