Presidente ng TODA, itinumba
MANILA, Philippines - Patay ang pangulo ng asosasyon ng tricycle at operator makaraang patraydor na barilin mula sa likod ng hindi nakikilalang salarin habang ang una ay pasakay ng kanyang motorsiklo papauwi buhat sa kanilang meeting sa lungsod Quezon, kamakalawa.
Sa ulat ng Quezon City Police District-Criminal Investigation Detection Unit (CIDU) ang biktima ay nakilalang si Ernesto Guerrero, 59, presidente ng United Federation Tricycle Operator Drivers Association (UFTODA), at residente ng Road 12, NDC Compound, Brgy. 628, Manila.
Sa imbestigasyon ni PO2 Julius Raz, nangyari ang insidente sa tapat ng Manila Triwheel Regulatory Office Compound, sa kahabaan ng A. Bonifacio Ave., Brgy. Paang Bundok, sa lungsod ganap na alas- 4:45 ng hapon.
Bago ito, kagagaling lamang umano ng biktima sa pakikipag-pulong na ipinatawag nito sa kanyang mga miyembro sa UFTODA at papasakay na sa kanyang kulay asul na motorsiklo (N0-14978) nang biglang sumulpot ang salarin mula sa kanyang likod at barilin ito.
Dead on the spot sa lugar ang biktima habang mabilis namang tumakas ang suspect sakay ng isang kulay green na tricycle na walang plaka patungo sa hindi mabatid na direksyon.
Patuloy ang imbestigasyon ng CIDU upang mabatid ang motibo ng pamamaril kung saan kabilang na dito ang anggulong may kinalaman sa kanilang asosasyon o personal vendeta dahil sa posisyong hinahawakan nito.
- Latest