Marathon sa ika-100 araw ni Peña sa Makati City
MANILA, Philippines - Magsasagawa ngayong araw na ito (Oct. 18) ng isang marathon para markahan ang unang ika-100 araw na panunungkulan at pamamahala ni Makati Acting Mayor Kid Peña.
Ito ay pangungunahan ng Information and Community Relations Department at Makati Turismo, na may temang “Tumakbo at Akyatin ang Bulwagang Makati, Para sa Katapatan ng Panunungkulan ng Lingkod Bayan”.
Ang naturang marathon ay lalahukan mismo ni Peña, mga empleyado at residente ng lungsod at mga piling tao sa lipunan na magtataguyod sa Bagong Makati.
Nabatid kay ICRD officer-in-charge Gibo Delos Reyes, ang palaro ay libre sa unang 500 indibiduwal at may kalakip na pabuya at regalo, ay naglalayong itaguyod ang kalusugan at disiplina sa katawan ng mamamayan, at sumisimbolo sa bagong lungsod na mapagkalinga sa taumbayan.
Kabilang sa lalahok ang persons with disabilities (PWDs), opisyal ng barangay at ilang kabataan na naniniwalang posible ang pinapangarap nilang tapat na panunungkulan ng mga halal na lingkod bayan. Gayundin, layon nitong pagbuklurin ang iba’t ibang sektor sa siyudad ng Makati.
Magsisimula ang karera sa tapat ng Rockwell Powerplant Mall, J.P. Rizal St., at tatahak sa kahabaan ng gilid ng Pasig River na may habang isang kilometro patungo sa 22-story Makati City Hall main building.
Ang magwawagi ay hinati sa dalawang kategorya, babae at lalaki. Ang pinakamabilis sa magkaibang kategorya ay tatanggap ng tig-P5,000. Ang ikalawa at ikatlong puwesto naman ay makatatanggap ng tig-P3,000 at P2,000 ayon sa pagkakasunud-sunod.
- Latest