Hininalang magnanakaw nabaril ng sekyu, patay
MANILA, Philippines - Patay ang isang hinihinalang magnanakaw makaraang mabaril ng isang security guard habang papatakas sa pinasok nitong gusali ng House and Land Use Regulatory Board (HLURB) sa lungsod Quezon, kahapon ng madaling araw.
Ayon kay SPO4 Rafael de Peralta ng Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit, walang pagkakakilanlan ang nasawi na inilarawan lamang sa edad na 25-30, may taas na 5’2, moreno, maliit ang pangangatawan, nakasuot ng black short pants at itim na shirt, may tattoo sa kanang braso na “JELAY”, sa likod “GARDS”, sa kanang hita “TOL.”
Kinilala ang nakabaril na si Raymund Calub, 31, may asawa, security guard ng Greenleaf se-curity Services Inc. at residente ng 23 ROTC Hunters Cluster 16 Bgy. Tatalon sa lungsod.
Sa imbestigasyon ni PO2 Jim Barrayuga, nangyari ang insidente sa loob ng HLURB compound sa Mayaman St., kanto ng Kalayaan St., Brgy. Tatalon bandang alas 3:16 ng madaling araw.
Bago ito, ayon sa testigong si Maria Claire Pinca, security guard sa compound, nagbabantay umano siya sa CCTV nang ma-monitor niya ang presensya ng suspek sa paligid ng bakod na sinusubukang buksan ang mediation center at record section dito.
Agad na ipinagbigay alam ni Pinca sa duty officer na si Calub ang insidente na agad namang rumisponde.
Gayunman nang makita ng biktima si Calub ay nagtatakbo ito at nagtangkang pumanik ng bakod para tumakas.
Sa pagtatangkang hulihin ang suspek nagpaputok umano ng warning shots si Calub, pero biglang bumuwal ang biktima.
Agad namang ipinagbigay ni Calub ang insidente sa kanilang OIC na si Jovito Abasola na siyang tumawag ng mga pulis.
Narekober sa lugar ang piraso ng kalibre .45 at isang tingga ng bala nito. Nagtamo naman ang biktima ng mga tama ng bala sa likod at sikmura.
- Latest