Mister hindi malapitan ang misis, nagtangkang mag-suicide
MANILA, Philippines – Sa ikalawang pagkakataon, muli na namang gumawa ng eksena si Emmaneul Palasol, ang suspect na nanghostage sa kanyang asawa at pamilya sa lungsod ng Caloocan kamakailan, dahil kahapon ng madaling-araw ay muli na naman itong nambulabog at nagtangkang magpakamatay sa pamamagitan ng pagtalon sa may 20 talampakang taas ng isang footbridge sa lungsod Quezon.
Ang eksena sa footbridge kung saan akmang tatalon si Palasol, 31, ay nagdulot ng kaguluhan sa mga nagdaraang commuters, pedestrian, at matinding trapik sa kahabaan ng Quezon Avenue, sa lungsod.
Tumagal ang nasabing eksena ng halos 15 minuto, bago tuluyang napahupa ang kalooban ni Palasol ng mga rumispondeng mga miyembro ng Bureau of Fire Protection (BFP) at kusang sumuko sa mga ito.
Ang labis na depresyon na pagmamahal sa kanyang asawa ang sinasabi ni Palasol na nagtulak sa kanya para magtangkang magpakamatay sa pamamagitan ng pagtalon sa footbridge.
Sa pagsisiyasat ni SPO2 Roldan dela Cruz ng QCPD-Station-2, nangyari ang insidente sa may Delta Footbridge na matatagpuan sa Quezon Avenue, kanto ng West Avenue, Brgy. West Triangle, ganap na ala 1:50 ng madaling-araw.
Bago ito, ayon sa mga saksing pedestrian, naglalakad umano ang biktima sa itaas ng footbridge, hanggang sa makita na lang nilang lumambitin ito sa tabi ng railings na akmang tatalon.
Sa puntong ito, agad na humingi ng tulong ang mga saksi sa nagpapatrulyang mga MMDA enforcers sa lugar para magmando ng trapik bago tumawag ng saklolo sa BFP. Mabilis na kumilos ang mga bumbero at naglatag ng inflatable bag sa simento na maaring pagbagsakan ng suspect, habang ang iba naman ay pumanik sa footbridge para kumbinsihin ang huli hanggang sa mailigtas ito.
Katwiran ng suspect, ginawa niya ang insidente dahil sa problema sa kanyang asawa na ayaw umanong makipag-usap sa kanya.
Pebrero ng nakaraang taon nang i-hostage ni Palasol ang kanyang asawa at anim na anak sa Caloocan City.
Selos ang ugat ng panghohostage ng suspect sa kanyang mga anak sa Caloocan dahil sa inaakala nitong mayroon umano itong kinalolokohang ibang babae. Matapos ang insidente, hindi naman nagsampa ng kaso ang asawa ni Palasol laban sa kanya pero humingi umano ito ng protection order dahilan para hindi na niya magawang malapitan ito.
- Latest