Hapones biktima ng modus sa taxi
MANILA, Philippines – Isang 46-anyos na Japenese national ang tinangayan ng 10 milyong Japanese Yen o katumbas ng mahigit P2-milyon ng dalawang lalaking armado, nakasuot ng bonnet na sapilitang kinuha siya sa sinasakyang taxi habang nasa Malate, Maynila, iginapos at piniringan bago inihulog sa isang lugar sa Parañaque City Lunes ng hapon. Sa idinulog na reklamo sa Manila Police District-General Assignment Investigation Section (MPD-GAIS) ng biktimang si Hideaki Okazaki, dakong alas-12:45 ng hapon noong Lunes nang siya ay dukutin sa sinasakyang taxi ng dalawang suspek.
Kagagaling lamang umano niya sa CCP Complex sa Pasay City kung saan naka-meeting niya ang business partner na kababayan. Sumakay siya ng taxi at magpapahatid sana sa isang hotel sa Malate. Habang nasa taxi sa service road ng Roxas Boulevard sa tapat ng Grand Boulevard Hotel ay biglang bumaba ang driver at nagsabing iihi lamang. Maya-maya ay 2 lalaking nakasuot ng itim na bonnet ang sapilitang inilipat siya sa isang kotse. Doon ay tinutukan siya ng baril sa ulo at inutusang huwag mag-ingay. Piniringan ang mga mata, tinalian ang mga kamay ng plastic straw rope at kinuha ang mga dala niyang kagamitan kabilang ang 10-milyong Yen.
Malayo ang nilakbay bago siya inihulog mula sa sasakyan na nalaman niyang nasa bahagi ng Quirino Avenue, Parañaque City. Dakong alas-5:00 ng hapon nang saklolohan siya ng isang Jerry Sucna-an, taxi driver ng Venzo Taxi Company (TYB 307) dakong alas-5:00 ng hapon at inihatid siya sa kaibigan sa SAIKO 88 Bar sa panulukan ng Nakpil at Bocobo Sts., sa Ermita.
- Latest