Mag-asawa patay sa sunog
MANILA, Philippines – Isang mag-asawang matanda ang namatay sa anim na minutong sunog sa kanilang bahay sa Marikina City, kahapon.
Natagpuan ang katawan ng mag-asawa na kinilalang sina Sebastian Librando, 74, at misis na si Evangeline, 73, sa silid ng kanilang bahay na matatagpuan sa Block 27, Ampalaya St., Bgry. Tumana ng lungsod na namatay sa suffocation.
Ayon sa imbestigasyon na ang matandang lalaki ay nakahiga na sa kama dahil sa taglay nitong karamdaman maging ang misis nito ay may sakit din at hirap na rin kumilos.
Sinabi ni Senior Superintendent Felixberto Abrenica, 4th District Fire Marshall na ang mag-asawa ay mahimbing na natutulog nang magsimula ang sunog sa kanilang silid pasado ala-1:03 ng madaling-araw.
Mabilis naman nakaresponde ang mga bumbero sa lugar, subalit hindi sila makapasok sa bahay dahil nakakandado ang loob at ang itaas ay napapalibutan ng mga grills.
Tanging ang bahay lang ng mag-asawa ang nasunog na tumagal lang ng anim na minuto.
Umaabot sa P10,000 ang naging danyos ng sunog at patuloy ang imbestigasyon ng dahilan ng sunog.
- Latest