Van tumagilid sa EDSA, 16 sugatan
MANILA, Philippines – Labing-anim katao ang sugatan makaraang mawalan ng kontrol ang isang closed van at tumagilid habang binabagtas ang kahabaan ng Edsa north bound lane sa lungsod ng Quezon kahapon ng umaga.
Ayon sa Quezon City Police District Traffic Sector 2, ang mga biktima ay agad namang isinugod sa ospital dahil sa tinamong mga galos sa kanilang mga katawan.
Nangyari ang insidente pasado alas-9 ng umaga sa naturang lugar partikular sa harap ng isang mall sa lungsod.
Bago ito, tinatahak ng Isuzu closed van (ZSW-122) na minamaneho ng isang Jaymond Deraper ang naturang lugar galing ng Cavite at patungong Muñoz para dumalo sa isang aktibidad ng kanilang relihiyon nang pagsapit sa lugar ay biglang tumagilid ito at sumadsad.
Sa pagtagilid ng van ay naalog sa loob ang may 14 na sakay nito sanhi upang magtamo sila ng mga pasa at galos sa kanilang mga katawan.
Samantala, dalawang rider ng motorsiklo naman ang nadamay matapos na sumemplang dahil sa dulas ng kalsada dulot ng langis na tumagas sa naturang van.
Nagdulot din ng pagsisikip ng daloy ng sasakyan sa lugar matapos isara ang linya ng kalye para linisin ang tumagas na langis.
Agad namang nagsipagdatingan ang mga rescue team mula sa Bureau of Fire Protection medical services at nilapatan ng paunang lunas bago isugod sa Quezon City General Hospital.
- Latest