2-3 quake drill pa ikinakasa ng MMDA
MANILA, Philippines – Dalawa hanggang tatlong drill pa ang kailangan para ganap na mahasa ang publiko sa paghahanda sakaling tumama ang “The Big One” o malakas na lindol.
Sinabi ni MMDA Chairman Francis Tolentino na mas malawak ang saklaw ng susunod na shake drill kung saan isasama na ang Gitnang Luzon at CALABARZON.
Partikular na tinukoy ng opisyal na dapat maghanda ang mga lugar na malapit sa 90-kilometrong fault system tulad ng Bulacan; Sta. Rosa, Calamba at Biñan sa Laguna; at Carmona, Cavite.
Itinutulak rin nito ang posibilidad na makasama sa drill ang mga foreign diplomats, mga may kapansanan, mga nakatira sa mga high-rise condominiums at maging mga batang lansangan at mga matatanda na naninirahan sa mga “home for the aged”.
Isasama rin sa mga susunod na drill ang pag-antabay sa magiging epekto ng lindol sa La Mesa Dam at posibleng tsunami sa Manila Bay.
Layon ng pagsasanay na maihanda ang publiko kaugnay ng babala ng PHIVOLCS ukol sa malakas na pagyanig na susunod sakaling gumalaw ang West Valley Fault. Pinangangambahang mahigit 30,000 ang posibleng mamatay habang lagpas 110,000 ang masasaktan dito.
Ibinida rin ni Tolentino ang pagtutok ng buong mundo sa Metro Manila Shake drill noong Hulyo 30 sa pamamagitan ng social media na nag-trending worldwide at humakot ng 2.1 bilyon na likes.
Sinabi rin ni Tolentino na walang inilaang budget ang pamahalaan para sa shake drill dahil kanya-kanyang gastos ang mga lumahok sa pagsasanay.
Sa ngayon, hinihintay na lamang ng MMDA ang ulat ng mga international organization na nagmasid sa drill bagama’t kumpiyansa naman si Tolentino na magbibigay ang mga ito ng mataas na grado sa Pilipinas.
Mayroon ding nasa 1.5 volunteers ang nagpalista at sasanayin ng MMDA sa pagtugon sa mga kalamidad.
- Latest