Metrowide ‘shake’ drill matagumpay
MANILA, Philippines - Naging matagumpay ang ikinasa kahapon na Metrowide earthquake/ shake drill na naglalayong mapaghandaan ang paggalaw ng West Valley Fault na maaring maging sanhi ng 7.2 lindol.
Ang ipinatupad na drill ay bahagi ng direktiba at panawagan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), na base na rin sa babala ng PHIVOLCS ay posibleng umabot sa 33,500 katao ang maaaring masawi at 113,600 ang masusugatan sakaling tumama ang kinatatakutang lindol o ang tinaguriang “The Big One.”?
Alas-10:30 kahapon ng umaga inumpisahan ang Metrowide shake drill kung saan sabay-sabay na tumunog ang mga sirena, kampana ng simbahan at fire alarm bilang hudyat ng pagsasanay at natapos ito ng pasado alas-12 ng tanghali.
Nabatid, na ang isang oras na Metrowide Shake Drill ay ipinatupad kahapon sa lahat ng tanggapan ng pamahalaan, mga establisimento, mapapampubliko at pribado sa buong Kalakhang Maynila.
Ang lahat ng local government unit (LGU), iba pang sangay ng pamahalaan, mga pribadong sektor sa Kalakhang Maynila, Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National (PNP) ay kaagapay ng MMDA para sa naturang pagsasanay.
Kabilang sa Metrowide shake drill ay ang 16 na lungsod at isang bayan, tulad ng Parañaque; Makati; Pasay; Las Piñas; Taguig; Muntinlupa at Pateros.
Kasama rin sa pagsasanay ang paglalagay ng apat na evacuation center, ang Intramuros Golf Course para sa kanlurang quadrant, Veterans Memorial Medical Center Golf Course sa hilaga, LRT-2 Depot sa silangan, at Villamor Airbase Golf Course sa katimugan.
Naniniwala si MMDA Chairman Francis Tolentino at Director Renato Solidum ng PHIVOLCS na naging matagumpay ang shake drill dahil na rin sa pakikiisa ng ibat-ibang ahensya ng gobyerno, pribadong sector at maging ng media.
Tumanggap din ito ng positibong reaksyon buhat sa mga ordinaryong mamamayan.
- Latest