15 most wanted nalambat sa Quezon City, 1 pa sa Caloocan
MANILA, Philippines - Labinglima pang most wanted persons ang naaresto ng tropa ng Quezon City Police District (QCPD) matapos ang walang humpay na operasyon laban sa mga ito sa magkakahiwalay na lugar sa lungsod, iniulat kahapon
Ayon kay Quezon City Police District (QCPD) Police Chief Superintendent Joel D Pagdilao, ang mga nadakip na suspect ay alinsunod sa inilunsad na ‘Oplan Lambat Sibat’ na ipinapatupad ng hanay ng kapulisan laban sa mga criminal at kawatan sa lungsod at iba pang lugar sa Metro Manila.
Sabi ni Pagdilao, ang mga suspect ay naaresto ng mga tracker teams mula sa QCPD Warrant and Subpoena Section (WSS) ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) gayundin ang mga police station at District Intelligence Division (DID) ng kagawaran.
Sinasabing 13 sa mga naaresto ay kabilang sa listahan ng MWPs sa District Level at Police Stations base sa validation workshop kamakailan na ginawa ng Intelligence Task Group sa Greater Metro Manila (ITGMMA) sa Camp Crame.
Kinilala ni Pagdilao ang mga suspect na sina Mark Dennis Mabato, Kevin Garzo, Gilbert Palomar, Dominic Tolentino, Jose Basa, Francis Roxas, Analie Tomelden, Joel Terneda, Mark Christian Juralbar, Leo Gravidez, Jervie Bartolome, Calixto Coral, Jaypee Antolin, Jonrick Windsor, Janet Erica, at Robert Aquino .
Samantala, timbog din sa Caloocan ang lider ng isang robbery gang at nakatala na number 1 Most Wanted sa Caloocan City makaraang madakip sa isang operasyon sa naturang lungsod kamakalawa ng hapon.
Sinabi ni Caloocan Police chief, Senior Supt. Bartolome Bustamante ang nadakip ang suspek na si Genesis Agustin, alyas Mong.
Sa rekord ng pulisya, lider umano ng isang notoryus na gang si Agustin na sangkot sa mga serye ng panghoholdap at pagpapakalat ng iligal na droga sa lugar ng Dagat-Dagatan sa Caloocan at karatig-lugar.
- Latest