Pekeng MTPB, huli sa ‘Oplan Sita’
MANILA, Philippines - Isang nagpapanggap na traffic officer na hinihinalang nangongotong sa mga motorista ang naaresto ng mga tauhan ng Manila Police District-station 4 Blumetritt-España Police Community Precinct sa isinagawang ‘Oplan Sita’ dahil sa pagsusuot nito ng uniporme ng Manila Traffic and Parking Bureau, pagdadala ng Ordinance Violation Receipt at pagmamaneho ng walang lisensiya sa Sampaloc, Maynila, kahapon ng madaling-araw.
Isasailalim sa inquest proceedings sa Manila Prosecutors Office ang suspek na si Val Maninang, 52, ng Crisostomo St., Sampaloc, Maynila sa mga kasong paglabag sa Republic Act 177 at 79 (Usurpation of Authority at Illegal Use of Uniform and Insignia) at RA 4136 (Driving without License).
Sa ulat, nagsasagawa ng ‘Oplan Sita’ sina PO1 Danilo Ignacio at PO1 Rolando Geronimo sa panulukan ng Ibarra at Florentino Sts., sa Sampaloc, Maynila alas-12:30 ng madaling-araw nang dumaan ang nakamotorsiklong si Maninang. Nagpakilala umano itong traffic enforcer at dahil nakasuot ng itim na polo na markado ng “MTPB) at may dala pang pouch bag na may lamang OVR, iba’t-ibang identification cards, mga drivers license na professionals at non-prof na pinaniniwalaang kinumpiska ng suspek sa mga motorista ay sinita siya subalit bigo siyang magpakita ng sariling driver’s license.
Wala nang nagawa ang suspek kundi sumama na lamang sa mga tauhan ng pulisya kung saan nabatid na dati lang itong tauhan ng MTPB personnel ang suspek subalit sibak na umano ito.
- Latest