3,000 Pnp Personnel, BFP at MMDA itatalaga seguridad sa SONA, plantsado na
MANILA, Philippines - Plansado na ang lahat para sa seguridad sa magaganap na State of the Nation Address (SONA) ng Pangulong Benigno Aquino III sa Lunes July 27, 2015 kung saan tinatayang nasa 3,000 personnel ng QCPD ang magbabantay sa kabuuan ng Commonwealth Avenue sa lungsod.
Ayon kay Supt. Ampil, OIC District Deputy Director for Operations at Chief District Directorial Staff, sapat ang mga personnel na itatalaga sa mga strategic places sa araw ng SONA para mapangalagaan ang katahimikan at kaayusan ng nasabing okasyon.
Giit ni Ampil, bukod anya dito ang mga miyembro ng Bureau of Fire Protection (BFP) na ayon kay Supt. Jesus Fernandez ay maglalagay ng 34 na firetrucks, 200 personnel at limang ambulansiya sa lugar.
Ang kagawaran ng Metro Manila Development Authority (MMDA) naman ay magpapadala rin ng 600 personnel na mangangalaga sa daloy ng mga sasakyan sa kahabaan ng naturang kalye.
Samantala, walang ibang maaring maging puwesto ang mga militanteng magsasagawa ng kilos protesta sa gagawing SONA kung hindi sa dating lugar, ang harap ng Ever Gotesco sa kahabaan ng Commonwealth Avenue.
Ayon kay Ampil, bilang pinuno ng kapulisang mangangalaga sa seguridad sa SONA, kailangang ipatupad nila ang naaayon sa napagkasunduan para na rin sa kapakanan ng mga mamamayang gusto ng katahimikan.
Nauna rito, nagpatawag ng isang dialogo ang QCPD at NCRPO sa mga militante at mga civic groups para pag-usapan ang maaring maging tungkulin ng bawat isa sa SONA ng Pangulo para na rin sa katahimikan at kaayusan nito, subalit naging negatibo ang usapan matapos na umalis ang militanteng grupong Bayan kahit hindi pa tapos ang usapan.
- Latest