Bus nagpapalabas ng malaswang DVD, naaktuhan ng MTRCB
MANILA, Philippines – Isang bus unit ang nahulihan kahapon ng umaga ng Movie Television Review and Classification Board (MTRCB) na nagpapalabas ng bold movies sa isinagawang inspeksyon kahapon sa bus terminal sa Araneta sa Cubao Quezon City.
Personal na ipinakita sa media ni MTRCB Chair Eugenio Villareal ang DVD ng bold na pelikula na nakumpiska mula sa bus unit ng R. Volante Liner na naglululan ng pasahero na may rutang Cubao papuntang Sorsogon sa Bicol.
Sinabi ni Villareal na irerekomenda nila sa Land Transportation Franchising Regulatory Board (LTFRB) na patawan ng kaukulang parusa ang pamunuan ng naturang bus company.
Anya, alinsunod sa batas, bawal magpalabas ng mga malalaswang pelikula sa mga publikong lugar kabilang ang mga pampasaherong sasakyan lalo na kung may mga sakay na mga bata.
Sinasabing posibleng makansela ang prangkisa ng naturang bus company dahil dito.
Nagsagawa kahapon ng umaga ng operasyon ang MTRCB sa mga bus terminal partikular sa Araneta Cubao bus terminal bunga na rin ng mga reklamong tinanggap na ilang mga bus unit ay nagpapalabas ng bold movies habang pumapasada papunta sa kani-kanilang destinasyon sa mga probinsiya laluna yaong mga rutang inaabot ng mahigit 10 oras ang biyahe.
- Latest