Mga pasahero pinag-iingat sa taxi driver na holdaper
MANILA, Philippines – Pinag-iingat ngayon ng mga awtoridad ang publiko hinggil sa isang taxi driver na holdaper na gumagala sa Metro Manila makaraang magreklamo ang tatlong dalaga na kanyang biniktima sa Pasig City, kahapon ng madaling-araw.
Magkakasamang nagreklamo sa Pasig Police Station ang mga biktimang sina Honey Gwen Son, 21; Nikki Abayan, 20; at Maria Mich Cuyos, 22, ng Pasig Blvd., Brgy. Pineda, sa lungsod.
Sa pahayag ng mga biktima kay SPO1 Jose Ronnie Geronimo, ng Station Investigation Detection Management Branch (SIDMB) nabatid na dakong alas-4:30 ng madaling-araw ay sumakay sila ng taxi sa kahabaan ng Pasig Blvd. Brgy. Bagong Ilog, Pasig City at nagpapahatid sila sa Alabang, Muntinlupa.
Habang tumatakbo ang taxi sa kahabaan ng Pasig Blvd. ay nakiusap sa taxi driver ang isa sa mga biktima na si Honey na kung maaari ay bumalik sandali sa kanilang pinanggalingan sa Fortune Building Brgy. Ilog, dahil mayroon itong nakalimutan.
Agad namang nag-u-turn ang driver saka ipinarada ang taxi sa madalim na lugar kung saan bumunot ito ng baril at tinutukan ang mga biktima sabay deklara ng holdap.
Sapilitang kinuha ng suspek ang mga shoulder bag ng tatlo na naglalaman ng kanilang mga gamit at pera bago pinababa ng taxi at mabilis na tumakas patungo sa direksyon ng C-5 Road.
Hindi nakuha ng mga biktima ang plate number ng taxi na kulay puti at hindi rin nila napansin kung may nakasabit na ID ng suspek dahil na rin sa labis na pagkabigla at takot.
- Latest