Simula Marso 31 hanggang April 3 Pasay, Las Piñas, Parañaque at Cavite, mawawalan ng tubig
MANILA, Philippines - Bunga ng isinasagawang flood control project ng Department of Public Works and Highways (DPWH), magkakaroon ng mula 14 oras hanggang 28 oras na pagkawala ng suplay ng tubig sa mga lugar ng Pasay, Las Piñas, Parañaque at Cavite mula Holy Tuesday (March 31) hanggang Good Friday (April 3).
Ayon sa Maynilad, may ilalagay na interceptor drainage box culvert (DBC) sa kahabaan ng Blumentritt St. na tatagos sa water pipe ng Maynilad sa kahabaan ng Juan Luna St. sa kanto ng Hermosa St. kayat kailangang ma-realign ang water pipe ng Maynilad para maisagawa ang DPWH flood control project.
Binanggit ng Maynilad na bunga ng proyektong ito ng DPWH, kailangan nila ang 72-oras para mag-drain, realign at mag-energize sa apektadong water pipe dahil mayroon itong 7-foot-tall (2,200mm diameter) primary line.
Dulot ng proyekto, maglalagay ang Maynilad ng isang 1,500mm bypass line upang tuloy na makadaloy ang tubig sa ilang mga lugar habang inilalagay ang bagong 2,200mm-diameter cross-under pipe segment.
Sinasabing itinaon ng DPWH na maisagawa ngayong Holy Week ang proyekto na pinayagan naman ng Maynilad dahil karamihan sa mga customers ay nasa bakasyon.
May 24 water tankers naman ang lilibot sa naturang mga lugar para magbigay ng libreng tubig sa panahon na walang suplay.
Pinayuhan din ng Maynilad ang mga kostumer na mag-ipon na agad ng tubig bago pa ang takdang araw ng water interruption upang may magamit sa panahon na isinagawa ang naturang proyekto.
- Latest