Pagkadena sa 4 na preso, pinabubusisi ng NCRPO
MANILA, Philippines – Pinaiimbestigahan na ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Director Carmelo Valmoria ang litratong lumabas sa social media hinggil sa apat na preso na ikinadena ang mga kamay habang papalabas sa isang tanggapan para ilipat sa Manila City Jail, kamakalawa ng umaga.
Ang naging hakbangin ni Valmoria ay matapos kumalat ang mga litrato ng mga preso sa social media na nakakadena ang mga kamay at naka-padlock habang inilalabas ng ilang jail officer, mga pulis na nakatalaga sa Manila Police District (MPD) Integrated Jail.
Ayon kay Valmoria, kanya nang inatasan si MPD Director Chief Supt. Rolando Nana, na magsagawa ng masusing imbestigasyon hinggil dito.
“Ito po ay aming aalamin kung bakit hindi posas ang ginamit ng mga pulis sa apat na bilanggong ito at inatasan ko na po ’yun district director na magsagawa ng imbestigasyon hinggil dito,” pahayag pa ni Valmoria.
Dahil dito, umani ng batikos sa netizens ang larawan dahil sa hindi umano makatao ang ginawa ng mga pulis sa mga preso.
Dumepensa naman ang Manila Police District (MPD) sa paggamit ng kadena sa apat na itinuturing na high value detainees.
Ang ordinaryong posas diumano ay mas madaling makalas nang pasubukan sa mga kapwa detainees kaya gumamit na lamang ng kadena at padlock.
Nag-ugat ang isyu nang maging trending sa social media ang isang kuha na nagmumukhang kawawa ang 4 na preso, kung saan inakala rin ng netizens na ang isa sa apat ay babae.
Katunayan, ang nakasuot pambabae ay isang bading, ang isang matandang lalaki ay bading din. Tatlo sa kanila ay nahaharap sa kasong human trafficking dahil sa pambubugaw sa mga dalagita o menor-de-edad na nai-recruit sa Maynila at ibinebenta sa isang night club sa Apanay, Alicia, Isabela. Isa rito ay may kasong murder.
- Latest