2 flag ceremony isinagawa sa Makati City
MANILA, Philippines – Dahil sa dalawang alkalde ang umaangkin sa puwesto, dalawang magkahiwalay na flag ceremony ang idinaos ngayong Lunes ng umaga sa Makati City hall.
Kasama ni Mayor Jejomar Erwin Binay ang mga miyembro ng city council sa kanilang flag ceremony sa harap ng kontrobersyal na 22-palapag na bagong city hall, habang sa lumang city hall naman nagdaos si Vice Mayor Romulo “Kid” Peña kasama ang iba't ibang opisyal ng mga barangay.
Bukod sa city council ay dumalo rin sa flag raising ceremony ang nasa 2,000 taga suporta ni Binay.
Samantala, muling binatikos ni Binay ang Department of Interior and Local Government (DILG) sa hindi paggalang ng 60-araw na temporary restraining order na inilabas ng Court of Appeals sa anim na buwang suspensyong ipinataw sa kanya ng Ombudsman.
"Tayo po ay nakakuha na ng temporary restraining order. Subalit ito po ay ayaw galangin ng DILG. kaya po tayo ay andito pa rin dahil po nagdesisyon na ang korte pero ayaw nilang kilalanin. 'di po ba pag may kwestyon, sa korte po, sila ang magdedesisyon? Sila po ang magsasabi kung ano ang magiging husga at kung ano ang magiging tama," pahayag ng alkalde.
Pinasalamatan din niya ang kanyang mga taga suporta na hindi siya iniwan mula nang lumabas ang preventive suspension order.
"Nandito po tayong lahat, andyan po kayo. Kami po ay di nasisiraan ng loob. Kaya po ang aming taos- pusong pasasalamat. Dahil gaya po ngayon, katulad po ng dati, hindi n'yo po kami iniiwan."
Sa kabilang banda, sinabi ni Peña na makasaysayan ang kanilang flag ceremony dahil ito ang unang pagkakataon sa nakalipas na 29 na taon na isang acting mayor ang nanguna.
"Makasaysayan dahil sa kaunaunahang pagkakataon, sa loob ng 29 na taon, ito ay pinasiniyaan ng isang bagong punong-lungsod na umaakto sa bisa ng isang suspension. Makakaasa ang ating mga kaibigan sa oras na idiriktiba ng batas na ako ay bumaba sa pwesto, ako, sampu ng aking mga kasama ay dagliang tatalima dito.”
Nilinaw din niya na hindi maaapektuhan ang sahod ng mga tauhan ng city hall na naiipit sa agawan ng puwesto.
Sinabi niya na kung wala talagang itinatago si Binay ay hindi dapat siya matakot na sundin ang kautusan ng Ombudsman.
“If there is really nothing to fear, and there is really nothing to hide, accept the preventive suspension and prove them all wrong.”
Iginiit ni Peña na walang kaguluhang mangyayari dahil hangad niya ay kapayapaan.
"Ang hangarin ko po ay kapayapaan. Sumunod lang ako sa pinagtitibay ng batas dahil kung hindi naman, ako naman ang babalingan nito sa 'di pagtupad ng tungkulin. hindi po madali ang aking kinatatayuan. Pero umasa kayo na napakalabo na sa akin magsisimula ang kaguluhan o kaharasan.”
- Latest