QC magiging AlkanSSSya capital ng Pilipinas – VM Joy B
MANILA, Philippines - Tiniyak ni Quezon City Vice Mayor Joy Belmonte na magiging AlkanSSSya capital ng Pilipinas ang lungsod.
Ito ayon kay Belmonte ay bunga na rin ng matagumpay na implementasyon ng programang AlkanSSSya ng Social Security System at sa pagkakapasa ng QC Council sa Tricycle Management Code na nagsasaad na lahat ng kasapi ng TODA ay miyembro ng AlkanSSSya sa buong lungsod.
Kahapon, pormal na naibigay ni Belmonte at ni SSS President-CEO Emilio de Quiros ang mahigit sa 40 malalaking AlkanSSSya sa mga TODA at Vendors Association sa QC. Ang bawat AlkanSSSya ay gawa sa isang malapad na bakal na may isandaang maliliit na butas na ang bawat butas ay may pangalan ng bawat miembro ng Toda at Vendors Association na kasapi ng programa. Binili ni Belmonte ang bawat AlkanSSSya ng P12,000 ang isa.
“Nag-survey kami na 40 percent ng mga residente sa QC ay walang bahay at 70 percent ng mga housewife ay walang trabaho kayat naisip ko na bigyan kayo ng regalo. Andito ako para itaas ang estado ng inyong pamumuhay kaya’t sa pamamagitan ng maliit na halaga na inyong maitatabi sa inyong AlkanSSSya ay panghabambuhay ninyong papakinabangan at dapat pangalagaan para makakuha ng benepisyu sa kalusugan niyo at sa pamilya ninyo,” pahayag ni Belmonte.
Kaugnay nito, sinabi ni Ms. Amalia Tolentino, director ng SSS AlkanSSSya program na nagsimula ang QC sa pagpapasakop sa kanilang programa ng mga bilanggo sa Camp Karingal at mga nangangalawit sa Payatas .
Anya, sa halagang P12 araw-araw o P360 kada buwan ay makakaipon na sa kanilang alkanSSSya ang mga Toda members para sa kanilang buwanang kontribusyon sa SSS.
“Hindi na kayo pumila pa para magpa miembro sa amin,hindi na kayo pupunta sa amin para magbigay ng contribution, andiyan na ang inyong AlkanSSSya sa terminal niyo,ihuhulog niyo lang para makakuha kayo ng mga benepisyo sa SSS tulad ng sickness benefits,burial at death benefits at loans” dagdag ni Tolentino.
Kaugnay nito, pinasalamatan naman ni de Quiros si Belmonte sa pagbibigay ng pagkakataon na mapangalagaan ang kapakanan ng sektor na ito. (Angie dela Cruz)
- Latest