14-anyos, 1 pang bebot itinumba sa Maynila
MANILA, Philippines – Dalawang babae kabilang ang isang 14-anyos na dalagita ang kapwa nasawi makaraang pagbabarilin ng hindi nakikilalang mga salarin sa magkahiwalay na lugar sa Port Area at Tondo, Maynila kamakalawa ng gabi at kahapon ng madaling-araw.
Sa ulat ng Manila Police District-Homicide Section, sa unang insidente ay nasawi ang biktmang si Marilou De Asis, 14, out-of-school youth, ng Block 1, Aplaya, Baseco, Port Area, Maynila.
Dead-on-the-spot si De Asis dahil sa tatlong tama ng bala na tinamo sa ulo, batay sa imbestigasyon ni PO3 Bernardo Cayabyab.
Naganap ang insidente dakong alas-9:15 ng gabi sa eskinita ng Blk. 1, Dubai St., Baseco.
Inaalam pa ang pagkakakilanlan ng gunman at motibo sa pamamaslang.
Aminado naman ang ama ng biktima na matigas ang ulo ng anak na napabarkada sa mga solvent boys sa kanilang lugar.
Nabatid na mangangalakal ng basura ang mga magulang kaya hindi na naaasikaso ang anak.
Ang ikalawang insidente ay naganap dakong alas 12:50 ng madaling-araw kahapon, sa Infanta Bridge, Velasquez St., Tondo.
Hindi pa kilala ang babaeng biktima na inilarawan sa edad na 30-35, may taas na 5’2’’, nakasuot ng berdeng t-shirt, blue na shorts at blue din ang sandals.
Kagyat ding binawian ng buhay ang biktima na bumagsak sa kalye habang ang hindi kilalang suspek umano ay nagtatakbo paakyat sa tulay ng Infanta Bridge dala ang baril na ginamit.
Patuloy pa ang imbestigasyon sa dalawang kaso ng pagpatay.
Kapwa dinala ang bangkay ng dalawang babae sa St. Rich Funeral para sa awtopsiya.
- Latest