Biyahe ng MRT, nagka-aberya uli
MANILA, Philippines – Matapos magkaaberya ng apat na beses kamakalawa ay tatlong beses namang muling nagkaaberya kahapon ng umaga ang biyahe ng Metro Rail Transit (MRT)-3 at ilang pasahero nito ang nasaktan makaraang matumba at magka-umpugan dahil sa biglaang pagpreno nito.
Ang unang aberya ay naganap dakong alas-9:00 ng umaga sa Santolan Station nang bigla na lamang huminto ang tren dahil sa paninikit ng preno. Kabilang sa mga nasaktan ay si Mildred Anyayahan, empleyado ng ABS/CBN dahil sa naganap na ‘sudden stop’ ng tren na kanilang sinasakyan.
Ayon kay Mildred, maganda pa ang biyahe nang sumakay siya mula MRT-Quezon Avenue station south-bound, pero pagsapit nila sa Santolan station ay bigla na lamang huminto ang tren na siyang dahilan para siya maumpog sa kapwa niya pasahero. Sinabi ni Mildred, nakakapit siya sa bakal na poste ng MRT pero halos pinasan niya ang bigat ng mga nasa likod niya.
Aniya, ilang kapwa niya pasahero ang may ininda ring pananakit ng katawan pero mas pinili na lamang na tumuloy sa destinasyon at nag-abang sa susunod na tren.
Ang ikalawang aberya ay naganap dakong alas-10:00 ng umaga sa Magallanes Station kung saan ay pinababa lahat ng pasahero dahil sa nanikit na preno ng tren ng MRT.
Ang ikatlong aberya ay naganap dakong alas-2:48 ng hapon sa Boni Avenue Station.
- Latest