Patung-patong na kaso, isinampa vs holdaper na rapist
MANILA, Philippines - Patung-patong na kasong robbery, robbery with homicide at rape ang isinampa ng Quezon City Police District (QCPD) laban sa nadakip na suspect na responsable sa pagpatay sa isang Korean national at serye ng panghoholdap sa mga maliliit na establisimento sa lungsod.
Ayon kay QCPD director Chief Supt. Joel Pagdilao, bukod sa nasabing mga kaso, kakaharapin din ng suspect na si Mark Soque, 29, ang mga kasong illegal possession of firearms, illegal possession of explosives, illegal possession of illegal drugs na nakuha sa kanya matapos maaresto.
Maaalalang si Soque ay positibong kinilala ng ilang saksi at mga naging biktima nito sa panggagahasa matapos na madakip ng binuong ‘Task Force Park’ nitong Huwebes ng umaga sa may Ever Gotesco mall sa Brgy. Commonwealth.
Ang TF Park ay binuo dahil sa pagpatay kay Mi Kyong Park, isang Korean national na binaril ng suspect sa may Beanleaf coffeshop sa Brgy. Holy Spirit noong Lunes.
Sa panayam kay Yongjeung Park, consul and police attache ng Korea nang magtungo ito sa Camp Karingal, satisfied naman umano sila sa nagawa ng kapulisan dahil sa maagap na pagresolba sa kaso ng kanilang kababayan.
Gayunman, hinihiling pa rin nila ang karagdagang mobile cars na magpapatrulya sa mga lansangan sa lungsod, lalo na sa kahabaan ng Antonio St., dahil marami sa lugar ang mga Korean shops, restaurant, maging mga paaralan at naninirahan nilang kababayan.
Samantala, sabi ni Pagdilao na nakipagpulong na sila sa mga Korean national kaugnay sa mga kaso ng krimen sa lungsod at nilinaw niya na hindi naman malaki ang bilang sa halip ay bumaba pa anya ito.
- Latest