P50-M shabu nasabat: 4 timbog
MANILA, Philippines - Tinatayang aabot sa P50 milyong halaga ng shabu ang nakumpiska ng mga tauhan ng Quezon City Police sa isinagawang operasyon sa lungsod kahapon ng umaga.
Kaugnay nito apat katao ang nadakip din sa isinagawang operasyon.
Kinilala ni Quezon City Police District director Senior Supt. Joel Pagdilao ang apat na nadakip na sina Kevin Ang Chua, 41, tubong Fu Jiang China ; Zhi Gui Wang, Filipino Chinese, 32, tubong Fu Jiang China; Al-Insan Pangandag, 26, tubong Marawi at Michelle Permali, 30, ng Brgy. Bungad, Quezon City.
Ayon kay Inspector Maricar Taqueban, Public Information Office (PIO) nadakip ang mga suspek sa Alvero St., malapit sa kanto ng Katipunan St., Brgy. Loyola Heights, sa lungsod dakong alas-7:45 ng umaga.
Sinabi sa ulat na nadakip ang mga suspek sa isang buy bust operation ng mga operatiba ng QCPD-District Anti Illegal Drugs sa pangunguna ni Chief Inspector Roberto Razon.
Napag-alaman na nagpanggap ang pulisya na bibili ng dalawang kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P3 milyon sa mga suspect na kinagat naman ng mga ito.
Matapos iabot ang droga agad dinakip ng mga pulis ang mga suspek kung saan nasamsam pa sa mga ito ang walo pang supot na may mga lamang tig-1 kilo ng shabu na nakalagay sa loob ng isang kulay itim na paper bag sa loob ng sasakyang Ford Focus na kulay itim (AAO-7880).
Kabilang pa sa nakumpiska ang isang Mazda 6 na kulay gray (SXM-908) at Toyota Altis na kulay silver (AAX-1689).
- Latest