Ngayong pasko riot sa Bilibid, ibinanta ng mga preso
MANILA, Philippines – Nagpatupad ng heightened alert ang pamunuan ng New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa City dahil sa umano’y banta ng ilang preso na magiging madugo ang pagdiriwang ng Pasko sa naturang bilangguan dahil sa posibleng riot kapag ipinagpatuloy ng Department Of Justice (DOJ) ang raid na isinagawa nila dito.
Ayon sa isang mapapagkatiwalaang impormante sa NBP, posibleng magkaroon ng riot sa naturang bilangguan bago magbisperas ng Pasko para mariing tutulan ang isinasagawang hakbangin ng DOJ at National Bureau of Investigation (NBI) laban sa kanila.
Sinabi pa ng impormante, na demoralisado aniya ang maraming preso dahil sa hakbangin ng NBP laban sa kanila, dahil maraming inmate aniya ang nadadamay dito.
Napag-alaman pa rin na tinatayang nasa 20,000 preso sa NBP ay pawang armado at posible aniyang magiging madugo ang susunod na pagsalakay na gagawin ng DOJ at NBI, dahil nagbanta ang ilang preso dito na sila umano ay manlalaban sa mga awtoridad.
Dahil sa impormasyong ito ay nagpatupad ng heightened alert sa NBP upang maiwasan ang posibleng riot dito.
Samantala, ayon naman kay dating NBP Supt. Celso Bravo, na handa siyang magpasailalim sa imbestigasyon hinggil sa umano’y nagaganap na katiwalian sa naturang bilangguan.
Ayon pa rito, apektado na umano ang kanyang pamilya hinggil sa nasasangkot ang pangalan niya sa naturang kontrobersiya.
Nabatid na nagsagawa ng sunud-sunod na pagsalakay ang NBI sa pamumuno ni De Lima, kung saan nakakumpiska ng mga droga, armas, pera at iba pang kontrabando sa loob ng naturang bilangguan. (Lordeth Bonilla)
- Latest