2 lalaki patay sa pamamaril sa Maynila
MANILA, Philippines – Dalawang lalaki ang patay matapos na pagbabarilin ng mga hindi pa nakikilalang suspek na ikinasugat din ng isang lola sa magkahiwalay na lugar sa Maynila kamakalawa ng gabi.
Dead on arrival sa Metropolitan Medical Center ang biktimang si Mark Joseph Cruz, binata, walang trabaho, ng no. 559 Teodora Alonzo St., Sta. Cruz, Maynila, bunga ng mga tama ng bala ng baril sa iba’t ibang bahagi ng katawan samantalang patuloy na inoobserbahan ang nadamay na si Alejandra Dungo, 72, may asawa, ng no. 1351 Quiricada St., Tondo.
Sa ulat ni SPO3 Glenzor Vallejo kay P/Insp. Steve Casimiro, hepe ng Manila Police District-Homicide Section, dakong alas-9:15 ng gabi nang bigla na lamang lumutang sa lugar ang mga suspek na sakay ng motorsiklo at nang makita ang biktima na bumibili ng sigarilyo ay mabilis na pinaputukan ng ilang ulit bago tumakas sa direksiyon ng Jose Abad Santos Avenue.
Agad na humandusay ang biktima na duguan habang ang lola na naghahanda naman ng kaniyang panindang daing na bangus ay nakita na lamang na may umaagos na dugo sa binti.
Iniimbestigahan pa ang insidente upang matukoy ang pagkakakilanlan ng mga suspek na hindi naplakahan ang motorsiklo
Samantala, mistulang huling hapunan ng biktimang si Feliciano Alita, 42, ng no. 208 Matiisin St., Tondo kamakalawa nang malapitang barilin ng hindi pa kilalang salarin sa Tondo, Maynila.
Sa ulat ni SPO1 Mario Asilo, ng Manila Police District-Homicide section, dakong alas-6:00 ng gabi nang maganap ang nasabing pamamaril sa biktima sa gilid ng kanyang barung-barong sa panulukan ng Road 10 at Matiisin St., sa Tondo.
Mag-isa umanong kumakain ng hapunan ang biktima nang puntahan umano ng hindi nakilalang gunman at pinaputukan sa ulo. Nang bumulagta ang biktima ay muli pang pinaputukan sa mukha ng suspek bago tuluyang tumakas.
Narinig ng kapatid ng biktima na si Cristina ang dalawang alingawngaw na putok kaya mabilis na inalam ito at natuklasang ang kapatid niya ang binaril.
Humingi si Cristina ng saklolo sa mga kapitbahay na nagdala sa biktima sa Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center subalit hindi na rin naisalba pa ang biktima.
Patuloy pang iimbestigahan ang dalawang insidente para matukoy ang mga suspek at motibo sa krimen.
- Latest