Tolentino sa law student: Kasuhan mo si Adriatico
MANILA, Philippines – Hinamon ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Francis Tolentino ngayong Lunes ang babaeng law student na sampahan ng kaso ang nakaalitang traffic enforcer na si Jorbe Adriatico.
Nag-ugat ang hamon ni Tolentino matapos ang panayam ng estudyante, na ayaw magpakilala, sa telebisyon, kung saan isinalaysay niya ang pakikipagtalo kay Adriatico.
Si Adriatico rin ang MMDA traffic enforcer na sinuntok at kinaladkad umano ng Maserati driver na si Joseph Russel Ingco nitong nakaraang linggo.
Ayon sa law student, humingi siya ng tulong kay Adriatico noong unang linggo ng Nobyembre matapos matamaan ng sasakyang ang kanyang nakaparadang kotse sa kalye ng Banawe sa lungsod ng Quezon.
Imbis na tulungan, minura umano ni Adriatico ang babae saka dumura sa sahig.
Dahil dito, nag-init ang ulo ng estudyante kaya kinompronta niya ang traffic enforcer na kaagad naman naglabas ng kanyang cellphone at kinuhaan siya ng video.
Sinabi ni Tolentino na dapat ay maghain ng pormal na reklamo ang babae laban kay Adriatico.
Kaugnay na balita: P100K pabuya vs Maserati driver - MMDA
"The law student is welcome to file a complaint against Adriatico and an administrative hearing will be conducted, but right now wala pa," wika ng hepe ng MMDA.
Sa hiwalay na panayam, pinabulaanan ni Adriatico ang pahayag ng law student.
Dagdag niya na nairita ang babae habang hinihintay ang may-ari ng sasakyang nakatama sa kotse niya.
Aniya, siya ang sinigawan at minura ng babae na nagpakilala pa bilang isang abogado.
Samantala, nilinaw ni Tolentino na maaaring kumuha ng video ang kanilang mga tauhan lalo na kapag walang closed-circuit television camera sa lugar.
Wala ring koneksyon ang reklamo ng law student sa kaso ni Ingco.
- Latest