Kuta ng bigtime drug syndicate sinalakay
MANILA, Philippines – Sinalakay ng mga tauhan ng Caloocan City Police ang kuta ng hinihinalang bigtime drug syndicate kung saan lima katao ang nadakip, kamakalawa ng madaling araw.
Kinilala ni Caloocan Police chief, Sr. Supt. Bartolome Bustamante ang mga naaresto na sina Muhamad Hasan at Amroding Asamao, mga caretaker ng sinalakay na mga bahay sa Phase 12 Riverside Brgy. 188, Tala, ng naturang lungsod.
Nakumpiska rin sa naturang pagsalakay ang 22 iba’t ibang uri ng motorsiklo, isang kalibre .45 Colt na baril, isang M-79 Rifle, isang Air-Gun rifle, iba’t ibang uri ng bala, isang pakete na naglalaman ng hinihinalang iligal na droga, dalawang cellular phones, weighing scale at P7,260 cash.
Bukod dito, isang blue book rin ang nakuha sa lugar na naglalaman ng paglabas-pasok ng iligal na droga sa naturang sindikato. Sinabi ni Bustamante na posibleng aabot sa limang kilo ng shabu ang ipinapakalat ng sindikato sa mga miyembrong tulak sa loob ng isang araw base sa nakatala sa “blue book”.
Sa ulat, dakong alas-4 ng madaling-araw nang sinalakay ng mga tauhan ng Caloocan Police-North Extension Office sa pamumuno ni Bustamante ang naturang lugar sa bisa ng tatlong warrant of arrest na inilabas ng Caloocan Metropolitan Trial Court laban sa mga target drug personalities na sina Miguelito Pineda, Dickie Druz, at Rufino Balingcos.
Hindi na nakapalag ang tatlong target ng warrant of arrest nang mapalibutan ng mga pulis habang dinampot rin ang dalawang caretaker na inabutan sa naturang kuta.
Sinabi ni Bustamante na notoryus ang naturang lugar na matagal nang hindi napapasok ng pulisya dahil sa sistematikong operasyon ng sindikato.
- Latest