Binata tumungga ng lason
MANILA, Philippines – Patay ang isang binata makaraang uminom ng isang botelya ng lason sa tapat ng isang department store, kamakalawa ng gabi sa Caloocan City.
Nalagutan ng hininga dakong alas-10:14 ng gabi sa Caloocan City Medical Center ang 22-anyos na si Jaymar Pingcas, production staff, at residente ng Brgy. Salvacion, ng naturang lungsod.
Sa ulat, naganap ang insidente dakong alas-9:30 ng gabi sa tapat ng Uniwide Sales, Inc. sa may Rizal Avenue Extension, Brgy. 72, ng naturang lungsod.
Ayon sa saksing si Anthony Macabo, nagpakilalang isang pastor, kausap niya ang biktima na tila may mabigat na problema nang biglang may ininom umano ito hanggang sa mawalan ng malay at bumagsak sa kalsada.
Mabilis na sinaklolohan naman ng Caloocan Rescue ang biktima at isinugod sa pagamutan. Patuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya sa insidente.
- Latest