Shootout: 2 miyembro ng gun for hire, utas
MANILA, Philippines – Utas ang dalawang pinaniniwalaang miyembro ng gun for hire at drug syndicate group matapos makipagbarilan sa mga pulis na tumutugis sa kanila kung saan nasamsam din sa mga ito ang humigit kumulang sa isang kilong shabu, mga baril at bala, kahapon ng umaga sa Las Piñas City.
Dead-on-arrival sa Las Piñas Doctors Hospital ang suspek na si Mandy Solaiman Abubakar, ng Samata Village, Barangay 5 ng naturang lungsod habang inaalam pa ang pagkakakilanlan sa isa pang kasabwat nito na hindi rin umabot ng buhay sa pagamutan.
Base sa report na isinumite ni Senior Supt. Adolfo Samala Jr., hepe ng Las Piñas City Police kay Chief Supt. Henry Ranola Jr., Officer-In-Charge (OIC) ng Southern Police District (SPD), naganap ang insidente alas-6:00 ng umaga sa Samata Village, Brgy. Talon 5 ng naturang lungsod.
Nagtungo ang pinagsanib na operatiba ng Intelligence Unit, Tactical Motorize Reaction Unit at SWAT Team ng Las Piñas City Police sa pamumuno ni Chief Inspector Marlo Solero upang arestuhin si Abubakar sa bisa ng isang warrant na inisyu ng Las Piñas City Regional Trial Court dahil sa umano’y patung-patong na kasong kinakaharap nito.
Subalit nang mamataan ni Abubakar at ng kasabwat nito ang mga pulis na tumutugis sa kanila ay inunahan nilang paputukan ang naturang mga alagad ng batas.
Nagkaroon ng pagpapalitan ng putok ang magkabilang panig hanggang sa bumulagta ang dalawa.
Narekober mula sa mga nasawing suspek ang humigit kumulang sa isang kilo ng shabu, 2 pirasong kalibre .45 baril, 1 kalibre .38 revolver, 1 kalibre .22, dalawang kalibre .9mm (pistol at Beretta), 1 improvised shot gun (sumpak), daan-daang mga bala, assorted drug paraphernalias at limang digital weighing scale.
Base sa rekord ng pulisya ang mga nasawing suspek ay pinaniniwalaang kilabot na miyembro ng isang drug at gun for hire syndicate, na nagsasagawa ng illegal na operasyon sa ilang lugar sa Southern Metro Manila.
Sa ngayon ay patuloy pang nagsasagawa ng imbestigasyon ang pulisya hinggil sa insidente.
- Latest