Dahil sa pagtindi ng trapik road projects, repairs tigil muna
MANILA, Philippines – Dahil sa inaasahang pagtindi ng trapik ngayong Kapaskuhan simula sa darating na Disyembre 15, suspendido muna ang mga ginagawang road re-blocking at pagkukumpuni ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at iba pang paghuhukay sa Metro Manila.
Ayon kay Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Francis Tolentino, ito ay bahagi na rin ng mga kinakasang solusyon ng ahensiya upang maibsan ang inaasahang masikip na daloy ng trapiko ngayong paparating na ang Kapaskuhan.
Magiging epektibo umano ang suspensyon mula Disyembre 15 ng taong kasalukuyan hanggang Enero 5, 2015.
Nabatid na tuwing Sabado at Linggo, nagsasagawa ng re-blocking at repairs ang DPWH sa mga kalye sa Metro Manila.
Bukod sa suspensyon ng mga road re-blocking, plano na rin ni Tolentino na kausapin ang mga mall operators upang baguhin ang oras ng kanilang operasyon nang sa gayon ay makontrol ang sabay-sabay na pagdagsa ng mamimili sa mga shopping malls.
Sa pamamagitan aniya nito ay maiibsan ang matinding trapik sa lugar na malapit sa mga malls. Dahil dito, pinatatapos na ng DPWH sa mga kontraktor ang lahat ng nakabinbing road project sa Maynila.
Ayon sa DPWH-National Capital Region (NCR), dapat matapos ang lahat ng proyekto sa mga kalsada ng Maynila sa una o ikalawang linggo ng Disyembre.
Inaasahan ang paglobo mula 15 hanggang 20% ang bilang ng mga sasakyan sa EDSA at ibang pangunahing kalsada sa Maynila.
Kung hindi pa rin matatapos ang ilang proyekto, pansamantala itong sususpindehin para hindi na makadagdag sa trapik.
- Latest