Mag-aalok ng bendisyon sa mga puntod: Mga pekeng pari kakalat sa sementeryo
MANILA, Philippines - Pinag-iingat ng pamunuan ng PNP at maging ng pamunuan ng Manila North Cemetery ang publiko na dadalaw sa mga namayapa na huwag paloloko sa mga pekeng pari na naglilibot at nag-aalok ng bendisyon sa mga puntod upang kumita.
Ayon kay Supt. Lucio Rosaroso Jr., Chief ng Directorial Staff ng PNP Chaplain Service ang nasabing mga pekeng pari ay naglilibot sa mga sementeryo sa Metro Manila at nag-aalok ng bendisyon sa puntod ng mga namayapang katao.
Base sa impormasyon sa PNP, sumisingil ang mga pekeng pari ng mula P50 hanggang P100 kapalit ng pagbebendisyon sa puntod ng mga patay.
Nabatid pa na may dala umanong mga Bibliya at naka-abito, sutana ang mga pekeng pari at tubig na pambendisyon upang hindi mahalata sa kanilang modus operandi.
Sinabi naman ni Daniel Tan, administrator ng MNC, kadalasan umanong nagaganap ang modus ng mga pekeng pari sa pamamagitan nang pag-aalok ng pagbabasbas at pagdarasal sa mga puntod kapalit ng sinasabing donasyon.
Sakaling mayroon na umanong pari na kanilang katransaksiyon sa loob ng sementeryo, na hindi nila kilala ay dapat munang iberipika kung may koordinasyon sa administration at mga nakatalagang pulis.
May marching order umano ang Philippine National Police (PNP) sa mga ipinakalat sa mga sementeryo na hulihin ang sinumang mapapatunayang nagsasamantala sa publiko kabilang ang paglilipana ng mga nagpapanggap lamang na pari.
Ang Manila North Cemetery na may sukat na 54 hektarya, ang pinakamalaking sementeryo sa Metro Manila.
Taun-taon ay hindi bababa sa 2 milyon ang dumadagsa sa MNC, habang sa Manila South Cemetery naman na nasa erya ng Makati subalit nasa ilalim ng pangangasiwa ng Maynila ay umaabot lamang sa 700 libo ang nagtutungo tuwing Undas.
Ang mga pagbabawal sa pagdadala ng mga delikadong gamit tulad ng baril, matatalas at alak ay umiiral pa rin.
Kabilang pa rin sa paalala ng pamunuan ng dalawang sementeryo ang pagbabawal sa pagdadala ng karaoke, radio at iba pang pampaingay na maaring makagambala sa mga ibang dumadalaw.
Hindi naman umano pinipigilan na maging festive ang atmosphere dahil nagkikita-kita ang mga magkakamag-anak at nagsasaya sa puntod subalit matuto umanong ikunsidera ang paggalang sa kapwa at sa mga namayapa.
Ito’y upang mapanatili na rin umano ang peace and order sa loob ng sementeryo.
Sa Quezon City, handa na ang mga pampublikong sementeryo sa inaasahang dadagsang tao dito sa Undas.
Ayon kay Ramon Matabang, hepe ng QC civil registry office (CCRO), 24 oras na nakatalaga ang mga tauhan sa mga public cemetery mula ngayong, October 31 hanggang Nobyembre 2, Linggo para asistihan ang mga tao sa paghahanap ng puntod ng mga yumaong mahal sa buhay.
Idinagdag din nito na maglalagay ng help desk-stations sa lahat ng public cemeteries sa lungsod para matiyak na mabibigyan ng ayuda ang mga nangangailangan ng tulong na ma-locate ang puntod ng mga kaanak.
Anya, ang kanilang assistance desks ay sasamahan ng mga tauhan ng pulisya para imantine ang kaayusan at katahimikan sa mga sementeryo.
- Latest