3 sugatan sa pamamaril dahil sa iligal na droga
MANILA, Philippines - Tatlong lalaki ang sugatan sa dalawang insidente ng pamamaril sa lungsod ng Malabon at Valenzuela dahil sa sigalot sa iligal na droga.
Nasa kritikal na kondisyon sa Jose Reyes Memorial Medical Center dahil sa tama ng bala sa likod si Gaspar Manlangit, 35,ng Dulong Sanchez, Brgy. Panghulo, Malabon at Nixon Almozana, 43, ng Brgy. Tinajeros, ng naturang lungsod.
Pinaghahanap naman ang suspek na nakilala sa alyas na “Rod Galapong”, isa umanong kilalang tulak ng iligal na droga sa Brgy. Panghulo.
Sa inisyal na ulat, nagpahatid si Manlangit sa tricycle driver na si Almozana sa lugar ng suspek upang bumili ng shabu dakong alas-11 ng gabi. Nang hindi makita si Rod Galapong, sa ibang tulak umano bumili ng iligal na droga si Manlangit.
Nalaman umano ito ng suspek na nagalit at hinabol ang dalawang biktima gamit ang kanyang motorsiklo saka pinagbabaril. Mabilis na tumakas ang suspek makaraan ang pamamaril.
Samantala, kritikal din dahil sa mga tama ng bala sa katawan sa Valenzuela General Hospital si Angelo Del Rosario, 29, ng Dulong Tangke, Malinta, Valenzuela City, nang pagbabarilin ng apat na lalaki kabilang ang isang alyas “Sugar”.
Sa ulat, nakatayo sa tapat ng kanyang bahay ang biktima dakong alas-9:30 ng gabi nang dumating ang apat na salarin at walang sabi-sabing pagbabarilin si Del Rosario saka mabilis na tumakas. Inaalam ngayon kung may kaugnayan sa iligal na droga ang pamamaril dahil sa kilala umanong tulak ang suspek na si Sugar.
- Latest