Biyaya bumuhos kay ‘Pandesal Boy’
MANILA, Philippines – Bumuhos ang biyaya sa pamilya ng batang tindero ng pandesal na hinoldap ng isang hindi pa nakikilalang salarin makaraang maging “viral” ang video nito ng pag-iyak sa isang social networking site.
Nitong Sabado, personal na binisita ni Mayor Oscar Malapitan ang 11-anyos na bata na itinago sa pangalang “Bryan” sa kanyang bahay sa Brgy. 168 Deparo, Caloocan North at personal na kinausap ang biktima sa kanyang karanasan. Nang sabihin ng bata na pangarap niyang magkaroon ng bisikleta, agad na tinugon ito ng alkalde at binilhan ng bisikleta ang paslit.
Itinanggi naman ng ina nito na puwersahan nilang pinaghahanap-buhay ang anak. Kusang-loob umano itong ginagawa ng anak dahil sa pangarap na makaipon para pambili ng bisikleta at pambaon na rin sa paaralan.
Nangako rin naman ang alkalde na bibigyan ng P20,000 ang ina ng biktima upang makapag-umpisa ito ng maliit na negosyo para hindi na mapilitan ang mga anak na magtrabaho sa murang edad.
Ngayong Lunes, ilulunsad ng pamahalaang lungsod ang National Children’s Month ngayong Oktubre. Pangunahing ipinakikiusap ni Malapitan sa mga magulang na huwag puwersahin ang mga anak na magtrabaho na tanda ng isang uri ng pag-abuso sa mga paslit.
Ang anumang uri ng pang-aabuso umano tulad ng pananakit ay magmamarka sa isipan ng mga bata at may negatibong epekto sa kanilang paglaki. Isa na umano dito ang epekto sa biktima na ayaw na ngayong magtinda at lagi nang may nararamdamang takot kapag lumalabas ng bahay.
Samantala, patuloy pa ring nakakalaya ang salarin na walang-awang nangholdap sa batang tindero. Ito ay makaraang iharap ni Malapitan ang isang lalaki na nadakip ng pulisya sa biktima ngunit pinalaya rin makaraang itanggi ng bata na hindi ito ang nangholdap sa kanya.
Dahil dito, inatasan ni Malapitan si Caloocan Police chief, Sr. Supt. Ariel Arcinas na lalong paigtingin ang paghahanap sa naturang holdaper upang mapanagot sa ginawang krimen na hindi lang umano P200 ang ninakaw ngunit ang kalayaan ng bata na mabuhay ng normal at walang takot.
Patuloy pa rin namang isasailalim sa “psychological assessment at stress debriefing” ang bata upang matiyak na ganap na makakarekober ito sa sinapit.
- Latest