'Junk food' bawal na sa Valenzuela schools
MANILA, Philippines – Upang mapangalagaan ang kalusugan ng mga estudyante, ipinagbabawal na ng pamahalaang lokal ng Valenzuela ang pagtitinda ng junk food sa mga paaralan.
Nakasaad sa ordinansa ng lungsod na nais nilang isulong ang masusustansiyang pagkain upang matiyak ang kalusugan ng mga estudyante sa pampubliko at pribadong paaralan.
“An ordinance mandating all educational institutions, commercial establishments, food vendors within the City Valenzuela to promote nutritious food beneficial to the health and general well-being of students,” pamagat ng kautusan.
Ipinatupad ang kautusan matapos lumabas sa pag-aaral ng Food and Nutrition Research Institute (FNRI) na ang National Capital Region ang may pinakamataas na bilang ng mga kabataang nasa pagitan ng 10 hanggang 19-anyos ang hindi nababantayan ang kalusugan.
Sinabi ni 1st District Councilor Rovin Feliciano na sa pamamagitan ng kautusan ay mapipigilan ang pagbili ng mga kabataan ng junk foods sa paaralan.
Nakasaad pa sa ordinansa na kailangang magbalangkas ang city health department, city nutrition council at ang local school board ng mga listahan ng junk foods na ipagbabawal sa mga paaralan gayun din ang paggawa ng listahan ng mga masustansiyang pagkain na siyang irerekomendang dapat kainin sa paaralan.
May nakaaabang na parusa sa mga lalabag sa ordinansa, ayon pa kay Feliciano.
Umaasa ang konsehal na makikipagtulungan ang mga principals at administrators ng lahat ng paaralan sa ordinansang upang mapangalagaan ang kalusugan ng mga mag-aaral.
- Latest