Tone-toneladang isda sa Valenzuela, nalinis na
MANILA, Philippines - Tuluyan nang nalinis ng mga tauhan ng pamahalaang lungsod ng Valenzuela ang tone-toneladang patay na isda sa mga palaisdaan na tumambad makaraang manalasa ang bagyong Mario kamakailan.
Sinabi ni Public Information Office head, Ahna Mejia, na nalinis na nitong nakaraang Martes ang napakaraming patay na tilapia, pla-pla at bangus sa Brgy. Malanday ng mga tauhan ng Rivers and Waterways Management Office.
Sinabi ni Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) Director Asis Perez na humalo ang “domestic at industrial wastes” o mga duming inilalabas ng mga pabrika kaya tumaas ang lebel ng ammonia sa 10-ektaryang palaisdaan kaya nangamatay ang mga isda.
Marami umanong pabrika sa lugar kaya hindi malayong sumabay sa pagtaas ng baha ang paghahalo ng industrial at domestic waste kaya naglutangan ang mga patay na isda.
Tinatayang mahigit sa P500,000 ang halaga ng pinsala mula sa pagkamatay ng higit 10 toneladang isda taliwas sa unang pagtaya ng BFAR na isang toneleda.
Matatandaan na unang nadiskubre ang pagkamatay ng mga isda nitong Setyembre 22 habang unang hininala ng mga opisyal ng barangay ang pagdami ng mga “water hyacinths” sa tubig kaya bumaba ang lebel ng oxygen.
- Latest