Pagbiyahe ng MRT-3 train na bukas ang pinto, bubusisiin
MANILA, Philippines - Iimbestigahan ng pamunuan ng Metro Rail Transit (MRT-3) ang napaulat na pagbiyahe ng isang northbound train nito noong Martes ng gabi kahit pa bukas ang isang pinto, na delikado para sa mga pasahero.
Ayon kay MRT-3 spokesman Atty. Hernando T. Cabrera, hindi dapat na pinayagang makabiyahe ang naturang tren dahil bukas ang pinto nito at tiniyak na paiimbestigahan kaagad nila ang insidente.
Nauna rito, isang pasahero ng tren ang nagpaskil sa kanyang Facebook account ng isang video na nagpapakita hinggil sa pagbiyahe ng sinakyang tren ng MRT-3 na nakabukas ang pinto nito.
Northbound umano ang ruta ng tren, na puno ng pasahero, at patungo sa Boni Station, ganap na alas-8:40 ng gabi.
Anang pasahero, tumigil muna ang tren ng may 20 hanggang 30-minuto sa pagitan ng Guadalupe at Boni stations nang ianunsyo ng train operator na isang pinto nito ang hindi masyadong naisarado sa Guadalupe station.
Sinubukan pa umano ng train operator na gawing manu-mano ang pagsasara ng pinto ngunit nabigo ito.
Sa kabila naman ng hindi nakasara ang pinto ay ibiniyahe pa rin umano ng train operator ang tren patungo sa Boni Station at dito pa lamang inianunsyo na ibababa ang mga pasahero pagsapit nila sa Boni station.
- Latest