Sa pag-ambus sa police major 6 katao hawak na ng QCPD
MANILA, Philippines - Anim katao na pinaniniwalaang sangkot sa pananambang sa isang opisyal ng Quezon City Police District ang nasa kustodiya na ngayon ng mga awtoridad matapos maaresto sa follow-up operation ng binuong Task Force.
Ayon sa isang opisyal ng pulisya na ayaw magpabanggit ng pangalan, ang mga suspek ay pawang mga residente sa Brgy. Commonwealth sa lungsod ay nasa kustodiya ngayon ng QCPD-Criminal Investigation and Detection Unit at isinasailalim sa masusing pagsisiyasat.
Diumano, ang mga nasabing suspek ay positibong kinilala ng mga testigo sa naturang krimen. Gayundin sa kuha ng CCTV na nakakabit sa lugar kung saan tinambangan si Chief Insp. Roderick Medrano.
Gayunman, hindi muna ibinigay ng source kung ano ang mga pangalan ng mga suspek, bunga ng umano’y patuloy na pagsisiyasat na kanilang ginagawa at operasyon sa mga natitira pa nitong kasamahang nakakalaya.
Nabatid mula sa source na ang mga suspek ay naaresto ng QCPD sa may Batasan Hills at Commonwealth Avenue.
Si Medrano ay pinagbabaril at napatay noong Lunes ng umaga habang inihahatid ang kanyang mga anak sa paaralan sakay ng isang Honda sa kahabaan ng Zabarte Road.
Nagtamo si Medrano ng mga tama ng bala sa ulo at katawan, ang dalawa nitong anak at asawa ay ligtas naman sa nasabing insidente.
- Latest