Campus na tututok sa robotics, matematika, itinayo
MANILA, Philippines - Itinayo na at nakatakdang pasinayaan ng pamahalaang lungsod ng Valenzuela ang isang paaralan na tututok sa “Robotics”, Matematika at iba pang aralin sa siyensa sa pag-asang makadebelop ng mga internasyunal na scientist sa hinaharap.
Nakatakdang pasinayaan ang bagong Valenzuela School of Mathematics and Science (dating Valenzuela City Science High School) sa may A. Pablo Street, Brgy. Malinta, Valenzuela City, sa darating na Setyembre 1, 2014 na pangungunahan ni Mayor Rex Gatchalian.
Pinondohan ng pamahalaang lungsod ng Valenzuela ang 4-palapag na paaralan na may 20 silid-aralan na aabot ng halagang P199 milyon. Naglalaman umano ito ng “cutting-edge technology” na may anim na laboratoryo sa “Physics and Robotics, Speech, Computer, Chemistry, Biology, at Mathematics”.
Sinabi ni Ahna Mejia, hepe ng Valenzuela Public Information Office, ipinagmamalaki ng paaralan ang “interactive Smart Board”, isang white board na maaaring maging isang “computer touch screen” habang “full WIFI zone” ang buong campus.
Itinuturing umano ni Mayor Gatchalian na “crown jewel” pagdating sa lokal na edukasyon ang naturang paaralan na agad na ookupahan ng nasa 700 mag-aaral buhat sa dati nilang paaralan sa Brgy. Dalandanan.
- Latest