Shootout: 2 holdaper utas
MANILA, Philippines - Dalawa umanong holdaper ang napatay makaraang maka-engkwentro ang nag-iisang rumispondeng miyembro ng Caloocan City Police ilang minuto matapos na holdapin ng mga una ang isang gas station sa lungsod, kamakalawa ng gabi.
Ayon kay QCPD Director Chief Supt. Richard Albano, sa kasalukuyan, inaalam pa ang pagkakakilanlan sa mga nasawing suspek kung saan ang isa ay nasa pagitan ng edad na 30-35, may taas na 5’8, katamtaman ang pangangatawan, nakasuot ng kulay itim na jacket at gray na 6 pocket pants; habang ang isa ay nasa pagitan ng edad na 40-45, may taas na 5’6, katamtaman ang pangangatawan, moreno at tadtad ng tattoo sa buong katawan.
Sabi ni Albano, ang mga suspek ay naka-engkwentro ng pulis na si PO2 Cesar Tolentino, nakatalaga sa Station Investigation and Detection Management Section (SIDMS), ng Caloocan City Police Station, Caloocan City.
Naganap ang insidente sa Orange Fuel Gasoline Station na matatagpuan sa Quirino Highway, Jordan Valley Subdivision, Brgy. Baesa sa lungsod, alas-7 ng gabi.
Ayon kay PO3 Marlon dela Vega, imbestigador sa kaso, bago ito, sakay ang mga suspek ng isang kulay itim na Suzuki Smash motorcycle na walang plaka at nagkunwaring mga kostumer sa naturang gas station.
Mula doon, bumaba ang angkas ng rider ng motorsiklo at nagpunta sa cashier’s booth nito, sabay labas ng baril at nagdeklara ng holdap.
Habang nililimas ng suspek ang perang kinita sa magdamag sa cashier, tiyempong naroon din si PO2 Tolentino at nagpapakarga ng gasolina. Dahil dito, nilapitan si PO2 Tolentino ng gasoline boy at sinabing hinoholdap ang kanilang cashier.
Agad na kumilos si PO2 Tolentino at nilapitan ang mga suspek sabay pakilalang pulis at sinabihan ang mga huli na sumuko. Pero sa halip na sumunod ay sumakay ang backrider sa motorsiklo ng kasamahan, saka humarurot papatakas.
Ayon pa sa ulat, habang papatakas ay pinaputukan umano ng backrider si PO2 Tolentino, sanhi upang gumanti ito ng putok at tamaan ang mga suspek.
Ang insidente ay nakarating naman sa kaalaman ng rumispondeng Quezon City Police Station 3 at pagsapit sa lugar ay naabutan nila ang sugatang mga suspek saka tinulungan si PO2 Tolentino na dalhin ang dalawa sa East Avenue Medical Center para magamot, subalit kapwa binawian din ang mga ito ng buhay.
Sa pagsisiyasat, personal na kinilala ng mga cashier ng gas station sa ospital ang mga nasawing suspek na siyang nangholdap sa kanila.
Narekober naman sa mga suspek ang isang kalibre 38 rebolber na may lamang apat na bala, at dalawang basyo nito.
- Latest