Demolisyon: 800 pamilya nawalan ng bahay
MANILA, Philippines - Mahigit sa 800 pamilya ang nawalan ng bahay matapos ang isinagawang demolition sa may 400 kabahayan at 57 establisimiyento sa Las Piñas City, kahapon ng umaga.
Bahagyang nagkaroon ng tension sa pagitan ng demolition team at mga residente sa Alabang-Zapote Road, Barangay Almanza 1 ng naturang lungsod dahil ang ilan dito ay nabigla sa ginawang demolisyon.
Ayon sa report na natanggap ni Senior Supt. Adolfo Samala, hepe ng Las Piñas City Police alas-8:30 ng umaga nang magsagawa ng demolition sa may 57 establisimiyento na kinabibilangan ng mga tindahan ng sapatos, damit at hardware at ang nasa likod naman nito ay 400 kabahayan na pawang mga shanties.
Nabatid na ang lupang kinatatayuan ng mga ito na mahigit sa 6 na ektraya ay pag-aari ng isang Pepito Ng. Taong 1998 pa umano nagtayuan ang mga illegal structures sa naturang lugar.
Dahil dito ay nagsampa ng reklamo laban sa mga nakatayong bahay at establisimiyento si Ng at ang kaso ay nasa sala ni Judge Emily Reyes Alinio Gelus, ng Las Pinas City Regional Trial Court (RTC), Branch 275.
Matapos ang ilang taong pagdinig, nagbaba ng desisyon ang hukuman pabor kay Ng dahilan upang ipag-utos ng korte na magsagawa ng tatlong araw na demolition sa naturang lugar.
Noon pang nakaraang linggo, tinatayang nasa 180 ng pamilya na ang nag-boluntaryong umalis.
- Latest