Deniece Cornejo, ililipat na sa piitan ng BJMP
MANILA, Philippines - Ililipat na sa kustodya ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) ang kontrobersyal na modelong si Deniece Cornejo na kasalukuyang nasa women’s detention facility ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) sa Camp Crame.
Kinumpirma ni PNP-CIDG Chief P/Director Benjamin Magalong na natanggap na nila ang court order mula sa Taguig City Regional Trial Court (RTC) Branch 271 para mailipat ng kulungan si Cornejo.
“Actually it’s a commitment order from the court , that we are going to implement,” pahayag ni Magalong.
Gayunman, nabatid na nagsumite muli kahapon ng ‘urgent motion’ ang mga abogado ni Cornejo sa korte para manatili itong nakakulong sa PNP-CIDG.
Una nang ibinasura ng korte ang mosyon ng mga abogado ni Deniece na huwag itong ilipat ng detention cell sa BJMP sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City kaya medyo naantala ang paglilipat dito.
Sa kasalukuyan, ayon sa opisyal anuman ang kanilang magiging hakbang ay alinsunod sa kautusan ng korte.
Inihayag ng opisyal na kasalukuyan na silang nakikipagkoordinasyon sa BJMP para sa paglilipat kay Deniece.
Samantala, muling inisnab ng TV host at actor na si Vhong Navarro ang mediation proceeding kaugnay sa kasong grave coercion na isinampa nito laban sa grupo nina Cedric Lee at Cornejo.
Gayunman, pinapaharap pa rin ng Taguig City Metropolitan Trial Court (MTC), Branch 74 sa pagdinig si Navarro kaugnay ng kasong isinampa nito sa nabanggit na mga akusado.
Nabatid na hindi sumipot si Navarro sa isinagawang mediation proceedings kaugnay sa kaso matapos na tumanggi itong makipag-ayos sa kampo nina Cedric at Cornejo.
Ayon sa korte, kahit tumanggi umanong makipag-ayos ang aktor ay kailangan pa rin itong humarap sa pagdinig upang personal na ipahayag ang kanyang pagtangging makipag-ayos sa mga akusado bilang bahagi aniya ito ng proseso.
Napag-alaman, dalawang beses nang hindi sinipot ni Navarro ang pagdinig.
Una nang sinabi ng abogado ni Navarro na si Atty. Alma Mallonga na hindi umano makikipag-ayos ang kanyang kliyente, sa halip pursigido umano itong ituloy ang kaso laban sa grupo nina Cedric at Cornejo.
Nabatid na si Navarro ay nagsampa ng kasong grave coercion laban sa grupo nina Cornejo at Cedric matapos ang sinasabing pambubugbog sa kanya noong Enero 22.
Bukod pa ito sa kasong serious illegal detention na kanya ring isinampa laban sa nabanggit na mga akusado.
- Latest