Pasyente sa rehab, nagbigti
MANILA, Philippines - Isang 50-anyos na pasyente sa isang drug rehabilitation center sa Quezon City ang nagpakamatay sa pamamagitan umano ng pagbigti sa sarili sa loob ng comfort room, iniulat kahapon.
Nakilala ang nasawi na si Ernesto Saldana, stay-in sa Holding Path Foundation, Inc. na matatagpuan sa Newport corner Malboro St., Brgy. East Fairview.
Ayon kay PO2 George Caculba, nadiskubre ang pagpapakamatay ng biktima ng kasamahang pasyente na si Vincent Medina Ramos, ganap na alas-10:15 ng umaga.
Sinasabing si Saldana ay isinasailalim sa drug rehabilitation program sa naturang foundation kung kaya nanatili ito rito, kasama ang ilang mga pasyente. Sabi ni Ramos, nang magpunta siya sa comfort room napuna niyang nakakandado ang pinto dahilan para katukin niya ito ng ilang beses, pero walang sumasagot.
Sa puntong ito, nagdesisyon si Ramos na humingi ng ayuda sa kasamahan at puwersahan nilang binuksan ang pinto kung saan tumambad sa kanila ang katawan ng biktima habang nakabitin sa kisame gamit ang kulay brown na kumot na ipinalupot sa kanyang leeg.
Agad nilang ipinagbigay alam ang insidente sa opisyales ng foundation at kinalas ang biktima sa pagkakabitin saka itinakbo sa Fairview General Hospital pero idineklara rin itong dead-on-arrival.
- Latest