Hustisya para kay Guillo, tututukan ng pamilya labi ng hazing victim, na-cremate na
MANILA, Philippines - Kasabay ng pag-cremate kahapon sa De La Salle-College of Saint Benilde sophomore student na si Guillo Cesar Servando na nasawi sa hazing, tuluyan na rin ipinasa ng Manila Police District ang imbestigasyon ng kaso sa Makati City police .
Ito ay makaraang matukoy na sa lungsod ng Makati isinagawa ang initiation rite.
Bago ang pag-cremate kahapon kay Guillo, muling nanawagan si Aurelio Servando, ama ng nasawi sa mga sangkot na lumutang na at harapin ang kaso.
Idinagdag pa nito na para magkaroon ng kahulugan ang pagkamatay ng kanyang anak, nais niyang tiyakin sa mga mag-aaral ang panganib sa pag-anib sa fraternity
Samantala, sa kasalukuyan ay hindi pa kinukonsiderang suspek kundi ituturing munang impormante ang sumukong miyembro ng Tau Gamma Phil fraternity na si Jomar Pajarito, alyas Badjao.
Ayon kay Senior Supt. Manuel Lukban, hepe ng Makati City Police, isasailalim muna nila sa validation kung isa ba sa mga suspek sa pagkasawi ni Servando si Pajarito.
Idinagdag pa nito na sa kasalukuyan ay limitado pa ang mga dokumentong inilipat at isinumite sa kanila ng MPD na unang nag-imbestiga sa naturang kaso.
Ayon sa pulisya, si Pajarito aniya ang nagbigay ng impormasyon kung saan ginawa ang sinasabing initiation rite kay Servando at iba pa.
Subalit, hindi aniya sinabi ng sumukong frat member, na caretaker siya ng bahay kung saan idinaos umano ang hazing na naging sanhi ng kamatayan ni Servando.
Ang bahay ay matatagpuan sa panulukan ng Calatagan at Hilario Sts., Brgy. Palanan, Makati City at pag-aari umano ni Merlyn Venus.
Isinalaysay lamang ni Pajarito na pinapasok lamang niya ang kanyang mga kasamahan at umalis aniya siya kasama ang kanyang pamilya bago pa umano isinagawa ang initiation sa biktima.
Dahil sa wala pang ipinagtatapat ang sumukong Tau Gamma Phil Frat member, na siya mismo ay kasama at direktang sangkot sa insidente kung kaya’t ayon sa Makati City Police hindi pa masasabing sumuko siya sa kanyang nagawang kasalanan.
Ipinaliwanag ng hepe ng pulisya ng Makati City, na hindi aniya basta-basta ang pagtawag na caretaker sa sumuko dahil sa ilalim ng Republic Act (RA) No. 8049, mabigat ang pananagutan ng tinaguriang caretaker sa insidente.
Nabatid, na ang initial na ipinagtapat lamang nito sa pulisya ay pinayagan niya ang kanyang mga kasamahan sa Tau Gamma Phi na makapunta o magamit ang naturang lugar at sinasabing magmi-meeting lamang ang mga ito.
Nabatid, na wala pang inilalabas ang Makati City Police na opisyal na pangalan sa listahan ng mga taong responsable sa insidente bagama’t inisyal nang binanggit na may 11 suspek na sangkot sa pagkamatay ni Servando.
Ipinahayag pa ni Lukban, na kukunin pa nila ang affidavit ng iba pang biktima na nasugatan sa insidente.
Binubusisi na ng pulisya ang pagkakakilanlan ng iba pang inaasahang suspek na nakunan sa closed-circuit television (CCTV) mula sa One Archers Place.
Kinordonan na rin ang naturang bahay upang ma-preserba ang iba pang posibleng mga ebidensiyang makakalap dito ng mga imbestigador.
- Latest