‘Martilyo gang’ liyabe-de-tubo na ang gamit
MANILA, Philippines — Matapos umatake sa dalawang hiwalay na mall sa Metro Manila, iniba ng robbery group na “Martilyo Gang†ang kanilang istilo nang pasukin naman nila ang isang mall sa Pasay kagabi.
Sinabi ni Pasay City Police Chief Sr. Supt. Florencio Ortilla na liyabe-de-tubo na ang gamit ng grupo nang manloob sa isang alahasan sa Mall of Asia Arena.
"Hindi sila gumamit ng martilyo, ang ginamit nila isang pipe wrench," wika ni Ortilla sa isang panayam sa radyo.
Dagdag niya na ito ang narekober sa F and C Jewelry ilang oras matapos manloob ang grupo.
Ngunit sinabi ni Ortilla na dala ito ng grupo hindi tulad nang unang dalawang pag-atake na binili ang martilyo sa hardware sa loob ng mall.
"Mayroon na po tayong lead kung saan nila binili itong pipe wrenches na 'to," banggit ni Ortilla.
Matapos umatake ang grupo sa SM Megamall at SM North EDSA ay ipinagbawal na ng pamunuan ng SM ang pagtitinda ng martilyo.
Napag-alamanang hiwa-hiwalay pumasok ng mall ang 10 miyembro ng grupo kung saan ang ilan ay dumaan sa exit base sa kuha ng closed circuit television footage.
Nasakote ang isa sa mga suspek na si Ryan Bansawan sa loob ng isang kainan.
"Siya lang ang nahuli mula sa walo hanggang 10 suspek na nanloob sa ating department store, sa jewelry store," sabi ni Ortilla.
Nabawi mula kay Bansawan ang isang kalibre .45 na baril at isang bag na may mga damit.
- Latest