Reporter biniktima ng ‘Basag salamin’ gang
MANILA, Philippines - Maging ang reporter na si Alvin Elchico ng ABS-CBN ay hindi nakalusot sa tinik ng grupong ‘Basag salamin’ gang makaraang makuhanan ito ng isang bag na naglalaman ng kanyang mamahaling gamit at pera sa lungsod Quezon, ayon sa pulisya kahapon.
Ang insidente ay iniulat ng Quezon City Police Station 10, makaraang dumulog dito ang representante ni Elchico na si Manny Boncayad, 30, company driver para magreklamo.
Sa imbestigasyon ni SPO1 John Sales, natangay kay Elchico ang itim na Victorinox bag na naglalaman ng P29,000 cash; dalawang duplicate keys at iba pang personal na gamit.
Nangyari ang insidente nitong March 2, 2013 sa pagitan ng alas-7:30 at alas-10:30 ng gabi sa may panulukan ng Scout Rallos at 11th Jamboree St., Brgy. Sacred Heart.
Base sa pahayag ni Elchico nadiskubre lang niya na may palo at sira ang hulihang windshield ng kanyang sasakyan pagdating niya ng kanyang bahay sa may Grants St., GSIS Village, Project 8 sa lungsod.
Mula rito ay nalaman na lang umano ng biktima na nawawala na rin ang nasabing bag nang isagawa ang inspeksyon.
Sinabi pa ni Elchico, bago ang insidente ipinarada umano niya ang kanyang sasakyan sa lugar para dumalo sa isang dinner meeting.
- Latest