One strike policy vs MTPB personnel
MANILA, Philippines - Tiniyak ni Manila Traffic and Parking Bureau Director Carter Don Logica na ipinatutupad din nila ang ‘one strike policy’ sa mga traffic personnel at hindi niya kukunsintihin ang kanyang mga tauhan lalo pa’t sangkot ang mga ito sa katiwalian.
Ang pahayag ni Logica ay bunsod na rin ng pagkakadawit ng tatlong miyembro ng Elite na nahuli sa CCTV na tumatanggap ng areglo mula sa mga traffic violators.
Sa katunayan aniya ay agad siyang humingi ng kopya ng CCTV mula sa Metrpolitan Manila Development Authority (MMDA) upang makita ang buong video at masampahan ng kaukulang kaso ang mga traffic personnel.
Sinabi ni Logica na kailangan na ipatupad ang one strike policy dahil bahagi ito ng programa ni traffic czar at Vice Mayor Isko Moreno na paluwagin ang daloy ng trapiko gayundin ang linisin ang hanay ng mga traffic enforcers.
Hindi naman nababahala si Logica na maubos ang mga traffic enforcers sa pagpapatupad ng one strike policy dahil marami aniyang nais na magtrabaho bilang traffic enforcers.
Matatandaan na sinabi ni Moreno na maituturing na pribilehiyo ng mga traffic enforcers na matanggap bilang bahagi ng MTPB subalit hindi dapat na abusihin at hindi dapat na lumabag sa batas.
- Latest