Bisor utas sa holdap
MANILA, Philippines - Isang supervisor ang hinoldap at saka binaril hanggang sa mapatay ng isa sa tatlong armadong suspect habang ang una at kasamahang babae ay naglalakad papauwi kahapon ng madaling-araw sa lungsod Quezon.
Si Joman Porras, 30, supervisor ng Gerardo’s bar and restaurant, ay nagawa pang maisugod sa ospital makaraan ang pamamaril pero binawian din ng buhay dahil sa tinamong isang tama ng bala sa kanyang likod na naglagos sa kanyang sikmura.
Ang kasama ni Poras, na si Jean Mata, 30, kahera sa naturang bar ay natangayan ng kanyang bag na naglalaman ng P5,000 cash, isang unit ng Samsung galaxy mobile phone at mga identification cards.
Sabi ni Insp. Elmer Monsalve, hepe ng homicide section ng Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit, ang biktima ay binaril sa kabila na hindi na naman ito nanlaban sa mga holdaper.
Nangyari ang insidente, ganap na alas-2:30 ng madaling araw sa may kahabaan ng Panay Avenue, panulukan ng Sgt. Esguerra St., Brgy. South Triangle habang ang mga biktima ay naglalakad sa lugar papauwi sa Antipolo City, nang dumating ang dalawang motorsiklo ng mga suspek.
Mula dito ay huminto ang mga suspek saka biglang bumaba at tinutukan ng baril ang mga biktima, sabay deklara ng holdap.
Sinasabing sa takot ay walang nagawa si Mata nang kunin ng mga suspek ang kanyang bag na naglalaman ng nasabing mga items. Matapos nito, sinunod na kinorner ng mga suspek si Porras habang ang isa sa kanila ay nasa gilid ng biktima at may hawak ng baril.
Ilang sandali, walang kaabog-abog na binaril ng isa sa mga suspek si Porras, saka mabilis na sumakay ng kani-kanilang mga motorsiklo at tumakas patungong Edsa.
Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng awtoridad sa nasabing insidente.
- Latest